OPSwebsite2007ban-spch-V3.jpg (38455 bytes)


PGMA's Opening Statement duriing the Joint National Anti-Poverty Commission (NAPC) Cabinet Group and National Economic Development Authority (NEDA) Cabinet Group Meeting

Aguinaldo State Dining Room, Malacañang

17 June 2008

Mga kababayan:

Sumusulong na ang ating daglian at pansamantalang tulong sa mga pamilyang Pilipino na nagigipit ng pandaigdigang presyo ng langis at bigas.

Kanina pinirmahan natin ang batas na hindi na kailangang magbayad ng income tax ang mga sumasahod lamang ng minimum wage.

Mula naman sa value-added tax sa langis na kinokolekta sa mga maykayang de-kotse, naglaan tayo ng apat na bilyong piso upang pondohan ang iba’t-ibang programang pangmahihirap na tinatawag nating Katas ng VAT.

Sa mga nakalipas na linggo, sinimulan natin ang unang Katas ng VAT sa paglunsad ng Pantawid Kuryente, ang limangdaang pisong tulong sa kumokonsumo ng hindi hihigit sa 100 kilowatts. Apat na milyong pamilya ang mabibigyan ng dalawang bilyong pisong nakalaan sa programang ito.

Nagbigay rin tayo ng Katas ng VAT para sa mga estudyante sa halagang isang bilyong piso -- kalahating bilyon para scholarships sa mahihirap, at kalahating bilyon bilang pautang sa malapit nang magtapos. Nakalaan ang mga scholarship sa nag-aaral sa mga kurso kailangan sa pagpapalago ng pagkain tulad ng agrikultura. Samantala, sa ilalim ng programang SAFE 4 SR (Student Assistance Fund for Education for a Strong Republic), makakahiram ng hanggang walong libong piso sa isang semestre ang estudyanteng nasa third, fourth o fifth year.

Kahapon, inilunsad ang isang bilyong pisong pautang sa mga namamasada sa jeepney at iba pang pampublikong sasakyan upang magpalit ng makina para magamit ang LPG, CNG, biofuel, at iba pang alternatibong pangkarga sa sasakyan na malaking mura kaysa sa gasolina at diesel.

Sa darating na buwan, maglalaan tayo ng kalahating bilyon piso para sa mga bombilyang fluorescent na mababa ang konsumo ng kuryente.

Pero ngayon, kailangan namang bigyan aksiyon ang mga pangmatagalang pagkilos upang pagtibayin ang seguridad sa pagkain at enerhiya para sa hinaharap. Ito ang pagpupulong ngayon ng National Food and Energy Council at NEDA. Papaksain ng DOST, na nagdidiriwang ng kanyang ikalimampung anibersaryo itong buwan, ang teknolohiya para mapalakas ang produksyon ng pagkain. Titiyakin natin na todo-todo ang suporta para sa pagtanim ng palay sa Hulyo, kasama rito ang paggamit ng mabisang teknolohiya, upang todo-todo rin ang ating aanihin.

Rerepasuhin din natin ngayon, sa pangunguna ng PMS, ang mga mahalagang proyekto sa imprastraktura at programang pangmasa na iniatas nating noong mga nakaraang SONA. Bagamat abala ang gobyerno sa kasalukuyang mga problema ng langis at bigas, hindi natin kinakaligtaan ang mga kalsada, daungan, paliparan, patubig, paggamot at paaral na kailangan ng bayan. Mahalaga ang ganitong mga proyekto sa imprastraktura at serbisyo publiko upang maabot-kaya ng lahat ang sapat na pagkain bunga ng murang transportasyon, malawakang patubig at modernong kaalaman at pautang sa hanay ng magsasaka at pangingisda.

Maraming salamat.

[HOME]