Press Secretary Ignacio R. Bunye's Speech during the Philippine Independence Day Celebration

Calapan City, Mindoro

12 June 2008

Republic Service: Tungo sa Ganap na Kalayaan at Kaunlaran.

Magandang araw sa inyong lahat.

Ipina-aabot ng ating mahal na Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang kanyang mainit na pagbati ng isang ‘Maligayang Anibersaryo ng Kalayaan’ sa mga magigiting na mamamayan ng Lungsod ng Calapan.

Ang Mindoro ang isa sa may pinaka-makulay na kasaysayan ng kabayanihan sa ating bansa. Marahil, marami pa rin sa ating mga kababayan, lalo na sa mga kabataan, ang hindi pa nakakaalam sa kagitingan ng daan-daang rebolusyunaryo na tumapos sa may mahigit na tatlong-daang taong pananakop ng mga Kastila dito sa Mindoro.

Ayon sa salaysay, noong unang araw ng Hunyo taong 1898, dalawang grupo ng mga Pilipinong rebolusyonaryo ang sumalakay sa Calapan na noon ay sentro ng pamahalaang Kastila dito sa Mindoro.

May limang-daang kasapi ang bawat grupo. Ang isang grupo na pinamunuan ni Kumander Froilan Abriul ay sumalakay sa Spanish detachment na nagbabantay sa tulay ng San Vicente. Ang laban ay tumagal ng tatlong oras at kabilang sa mga sinamampalad na masawi ay si Kumander Froilan Abriul.

Ang isang grupo naman na pinamunuan ni Kumander Marcelo Alcala ay nagtangkang pasukin ang kabayanan mula Barrio Ilaya pero naitaboy sila ng mga Kastila.

Nagsama ang dalawang grupo at sinalakay muli ang Calapan noong Hunyo 4. Ang kanilang sagupaan ay tumagal ng limang oras. Subalit bigo na naman ang mga rebolusyonaryo.

Ang mga rebolusyonaryo ay nagre-group at nagplanong mabuti ng panibayong pagsalakay. Noong Hunyo 29 hanggang Hunyo 30, naganap ang pinakamadugong labanan. Sa pagkakataong ito, ang mga taga Mindoro ay tinulungan na ng mga rebolusyonaryo mula Batangas. Sa tulong ng mga kanyon at karagdagang armas ay napasuko nila ang mga Kastila, kabilang ang Gobernador ng Probinsiya na si Rafael Morales. Sa ginawang seremonya ng pagsuko sa town plaza, mahigit sa tatlong libong rebolusyunaryo ang mabunying nagparada bilang pagpapakita ng pwersa at pagsigaw ng tagumpay.

Sa wakas ay naiwagayway ng buong pagmamalaki ang Bandila ng Pilipinas sa lalawigan ng Mindoro. Salamat sa katapangan at kagitingan ng kaniyang mga mamamayan tulad nina Kumander Froilan Abriul, Kumander Marcelo Alcala at ang mga daan-daang rebolusyunaryo, kabilang na rin ang mga tropa mula Batangas.

Ganyan katatapang at kagigiting ang mga taga Mindoro. Ganyan kagigiting ang mga Pilipino.

Noon pa man ay alam na ng mga taga Mindoro – alam na ng mga Pilipino - na ang pagsisilbi at pagmamalasakit sa bayan ang tanging paraan upang maging tunay na malaya at maunlad ang mamamayan.

Kaya nga bilang pagsasabuhay nito, ang tema ng ating selebrasyon ngayon ay Republic Service: Tungo sa Ganap na Kalayaan at Kaunlaran.

Sa unang pagkakataon, ginaganap natin ngayon ang kaibang pamamaraan ng pagdiriwang. Ito ay sa pamamagitan ng paghahatid ng serbisyo sa ating mga kababayan sa buong kapuluan, mula Aparri hanggang Jolo. Ito ay ayon na rin sa direktiba ng ating mahal na Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

Nais ni Pangulong Arroyo na iparating sa mamamayan sa araw na ito ang mga programang dumadakila sa mga malasakit at sakripisyo ng ating mga bayani, hindi sa pamamagitan ng salita lamang, kundi sa mga gawaing nagbibigay-buhay sa kanilang mga adhikain para sa sambayanang Pilipino.

Kabilang sa mga pro-poor services na ating isasagawa sa buong Kapuluan ay may kinalaman sa kabuhayan, murang pabahay, maayos na kalusugan, katiyakan sa pagkain o food security, maayos na edukasyon, maaliwalas at malinis na kapaligiran, at katiyakan sa enerhiya o energy security.

Halimbawa, sa Kawit, Cavite na kung saan ang selebrasyon ay pinangungunahan ng isang magiting na anak ng Mindoro, si Bise Presidente Noli de Castro, isinusulong natin ang mga low-cost housing programs ng pamahalaan.

Mula Malolos, Bulacan hanggang San Isidro, Nueva Ecija, itinataguyod ng Department of Agriculture ang gawaing pang agrikultura na kung tawagin ay FIELDS. Ang FIELDS ay acronym na naglalarawan ng mga mahalagang sangkap para sa matagumpay na pagsasaka. F stands for fertilizer, I for irrigation, E for education and training, L for agricultural loans, D for dryers and other post-harvest facilities, and S for seeds.

Sa Pugad Lawin, isinasagawa ang ilang anti-poverty programs, tulad ng pamamahagi ng Conditional Cash Transfer Cards para maibsan ang kakulangan ng mga kapuspalad nating kababayan. Ano nga ba itong conditional cash transfer? Ito ay isang uri ng pagtulong sa piniling mahihirap nating kababayan. Tatanggap ang pamilyang beneficiary ng tulong financial subalit may kundisyong kalakip para ang tulong ay patuloy na matanggap. Halimbawa, lahat ng bata sa pamilya ng nangangailangan ng bakuna ay kailangang magpabakuna. Lahat na bata sa pamilya na school age ay kailangang pumapasok sa paaralan. Ang buntis na ina ay dapat sumailalim sa pre-natal care para maging maayos ang pagbubuntis at panganganak.

Sa Mabini House sa Batangas ay edukasyon ang tema ng selebrasyon. Sapat at wastong edukasyon ang mabisang sagot sa kahirapan. Kaya naman ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng makakayanan para ang edukasyon ay maging abot-kaya ng lipunan.

Sa Bicol Region ay turismo ang isinusulong.

Sa Calamba, Laguna, ang tema ay paglilinis ng Laguna de Bay at pagtatanim ng mga puno sa Mt. Makiling.

Sa Bacolod City, ang tema ng selebrasyon ay energy security kung saan isusulong ang biofuel projects ng pamahalaan na naglalayon na bawasan ang ating pagka-dependent sa imported oil. Kaya isinusulong natin ang pagpapalago ng mga biofuels tulad ng jathropa, isang uri ng halaman na mayamang source ng langis na puedeng ma-convert na bio-diesel.

Sa Cebu City, ang tema ay maayos na kalusugan. Kasama dito ang pagsasa-ayos ng mga nutrisyon ng mga mag-aaral, and pagpapabakuna sa mga bata, ang pag-aalaga sa mga buntis, at iba pang kailangan para sa malusog na mamamayan.

Samantala, sa Iloilo City ay mamahagi ng training vouchers na maaring magamit para makapag-enrol or makalahok sa mga makabuluhang pagsasanay tungo sa pangkabuhayan o pang empleyo.

Ilang pro-poor services naman sa Northern Samar at Dinagat Island; social services para sa mga Lumad ng Davao City at pagpapatupad ng agrarian reform community projects sa ARRM.

Tinitiyak ni Pangulong Arroyo na ang bunga ng ating mga pinaghirapang reporma ay makarating sa ating mga kababayan. Ito ay sa pamamagitan ng pinaigting na serbisyong panlipunan o social services, paglikha ng mga maayos na trabaho, at pagtatayo ng mga imprastraktura na magsisilbing insentibo para mas maraming mamumuhunan o investors ang maglagak ng kanilang investment dito sa ating bayan at mas maraming turista ang dumalaw sa atin.

Dito sa Mindoro, edukasyon ang tema ng ating selebrasyon kaya minarapat natin, sa pakikipagtulungan sa inyong mga education officials, na maglunsad ng isang feature writing contest tungkol sa Mindoro Revolution. Mga high school students ang kasali dito. Malalaman natin mamaya kung sino ang mga nagwagi at tatanggap ng kaukulang pagkilala at pabuya.

May kasabihan na “ang hindi lumingon sa pinanggalingan, hindi makakarating sa paroronan.” Sa pamamagitan ng pagbalik tanaw sa ating kasaysayan, nais ni Pangulong Arroyo na maimulat ang ating mga kabataan sa mga mahahalagang adhikain at sakripisyo ng ating mga bayani na nagbigay daan sa kalayaan at kaunlaran na ating natatamasa ngayon.

Oo, ang Mindoro ay isa sa may pinaka-makulay na kasaysayan ng kabayanihan sa ating bayan. Nawa’y, ang kasaysayang ito ang patuloy na maging gabay at inspirasyon natin tungo sa paglilingkod at serbisyo sa sambanayang Pilipino.

Muli, maraming salamat sa inyong mainit na pagtanggap. Maligayang Anibersaryo ng Kalayaan sa ating lahat.

Mabuhay ang mga Taga-Calapan!
Mabuhay ang mga Taga-Mindoro!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!

[HOME]